18 – Mga Maling Guro

Ito ang mga banal na salita ng Makapangyarihang Diyos.
Hindi kami interesado sa mga salita ng tao.
Para sa sinumang nagmamahal sa Diyos... ito ang sinasabi ng Diyos. Mga Maling Guro.

Top 3 Pinakamahalagang Talata

Nguni't may nagsilitaw din naman sa bayan na mga bulaang propeta, na gaya naman sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na mangagpapasok sa lihim ng mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya, na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na mangagtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak. At maraming magsisisunod sa kanilang mga gawang mahahalay; na dahil sa kanila ay pagsasalitaan ng masama ang daan ng katotohanan. At sa kasakiman sa mga pakunwaring salita ay ipangangalakal kayo: na ang hatol nga sa kanila mula nang una ay hindi nagluluwat, at ang kanilang kapahamakan ay hindi nagugupiling.

Gayon din naman sa lahat ng kaniyang mga sulat, na doo'y sinasalita ang mga bagay na ito; na doo'y may ilang bagay na mahirap unawain, na isinisinsay ng mga di nakaaalam at ng mga walang tiyaga, na gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.

Nguni't ang propeta na magsasalita ng salitang may pagpapalalo sa aking pangalan, na hindi ko iniutos sa kaniyang salitain o magsasalita sa pangalan ng ibang mga dios, ay papatayin nga ang propetang yaon.

Bawat Taludtod sa Ayos ng Bibliya - 328 Mga taludtod ng Bibliya

Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Dios. At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan? At sinabi ng babae sa ahas, Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami: Datapuwa't sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo'y mamatay. At sinabi ng ahas sa babae, Tunay na hindi kayo mamamatay: Sapagka't talastas ng Dios na sa araw na kayo'y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo'y magiging parang Dios, na nakakakilala ng mabuti at masama.

At sinabi ng Panginoong Dios sa babae, Ano itong iyong ginawa? At sinabi ng babae, Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain. At sinabi ng Panginoong Dios sa ahas, Sapagka't ginawa mo ito, ay sumpain ka ng higit sa lahat ng hayop, at ng higit sa bawa't ganid sa parang; ang iyong tiyan ang ilalakad mo, at alabok ang iyong kakanin sa lahat ng mga araw ng iyong buhay: At papagaalitin ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi: ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kaniyang sakong.

Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin; At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

Huwag kang magkakalat ng kasinungalingan: huwag kang makikipagkayari sa masama, na maging saksi kang sinungaling. Huwag kang susunod sa karamihan na gumawa ng masama; ni magbibigay patotoo man sa isang usap, na ang kiling ay sa karamihan upang sirain ang kahatulan:

Huwag kayong magnanakaw; ni magdadaya, ni magsisinungaling ang sinoman sa iba.

Huwag kayong maghahatid dumapit sa inyong bayan, ni titindig laban sa dugo ng inyong kapuwa: ako ang Panginoon. Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapatid sa inyong puso; tunay na inyong sasawayin ang inyong kapuwa, at huwag kayong magtaglay ng kasalanan dahil sa kaniya.

Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi; Sinabi ba niya, at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya, at hindi niya isasagawa?

Nakita ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon tungkol kay Baal-peor, sapagka't lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor, ay nilipol ng Panginoon mong Dios sa gitna mo.

Inyo ngang isagawa na gaya ng iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.

At iyong aalalahanin ang buong paraan na ipinatnubay sa iyo ng Panginoon mong Dios nitong apat na pung taon sa ilang, upang kaniyang mapangumbaba ka, at subukin ka, na maalaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong gaganapin ang kaniyang mga utos o hindi. At ikaw ay pinapangumbaba niya, at pinapagdamdam ka niya ng gutom, at pinakain ka niya ng mana, na hindi mo nakilala, ni nakilala ng iyong mga magulang; upang kaniyang maipakilala sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawa't bagay na nagmumula sa bibig ng Panginoon.

At iyong pagmunimuniin sa iyong puso, na kung paanong pinarurusahan ng tao ang kaniyang anak, ay gayon pinarurusahan ka ng Panginoon mong Dios. At iyong tutuparin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, na lumakad ka sa kaniyang mga daan, at matakot ka sa kaniya.

Mangagingat kayo, baka ang inyong puso ay madaya, at kayo'y maligaw, at maglingkod sa ibang mga dios, at sumamba sa kanila;

Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong isasagawa: huwag mong dadagdagan, ni babawasan.

Kung may bumangon sa gitna mo na isang manghuhula, o isang mapanaginipin ng mga panaginip, at kaniyang bigyan ka ng isang tanda o kababalaghan, At ang tanda o ang kababalaghan ay mangyari, na kaniyang pagsalitaan ka, na sabihin, Sumunod tayo sa ibang mga dios, na hindi mo nakikilala, at ating paglingkuran sila; Ay huwag mong didinggin ang mga salita ng manghuhulang yaon, o ng mapanaginiping yaon ng mga panaginip: sapagka't sinusubok kayo ng Panginoon ninyong Dios, upang maalaman kung iniibig ninyo ang Panginoon ninyong Dios ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa.

Nguni't ang propeta na magsasalita ng salitang may pagpapalalo sa aking pangalan, na hindi ko iniutos sa kaniyang salitain o magsasalita sa pangalan ng ibang mga dios, ay papatayin nga ang propetang yaon.

At kung iyong sasabihin sa iyong puso: Paanong malalaman namin ang salita na hindi sinalita ng Panginoon? Pagka ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi sumunod ni mangyari, ay hindi sinalita ng Panginoon ang bagay na yaon: ang propetang yaon ay nagsalita ng kahambugan, huwag mong katatakutan siya.

Sapagka't ang panghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng panghuhula, at ang katigasan ng ulo ay gaya ng pagsamba sa mga diosdiosan at sa mga terap. Sapagka't dahil sa iyong itinakuwil ang salita ng Panginoon, ay kaniya namang itinakuwil ka upang huwag ka nang maging hari.

At lumabas ang isang espiritu at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya. At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Paano? At kaniyang sinabi, Ako'y lalabas, at magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon. Ngayon nga, narito, inilagay ng Panginoon ang magdarayang espiritu sa bibig ng lahat ng iyong mga propetang ito: at ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.

At lumabas ang isang espiritu, at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya. At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Sa ano? At kaniyang sinabi, Ako'y lalabas, at ako'y magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon. Ngayon nga, narito, inilagay ng Panginoon ang magdarayang espiritu sa bibig ng iyong mga propetang ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.

At ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga sugo, na bumangong maaga at nagsugo, sapagka't siya'y nagdalang habag sa kaniyang bayan, at sa kaniyang tahanang dako: Nguni't kanilang tinuya ang mga sugo ng Dios, at niwalang kabuluhan ang kaniyang mga salita, at dinusta ang kaniyang mga propeta hanggang sa ang pagiinit ng Panginoon ay bumugso laban sa kaniyang bayan hanggang sa mawalan ng kagamutan.

Nguni't kayo'y mapagkatha ng mga kabulaanan. Kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.

Bakit ang mga bansa ay nangagugulo, at ang mga bayan ay nangagaakala ng walang kabuluhang bagay? Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda, at ang mga pinuno ay nagsasanggunian, Laban sa Panginoon at laban sa kaniyang pinahiran ng langis, na sinasabi: Lagutin natin ang kanilang tali, at ating iwaksi ang kanilang mga panali sa atin. Siyang nauupo sa kalangitan ay tatawa: ilalagay sila ng Panginoon sa kakutyaan.

Iyong lilipulin sila na nangagsasalita ng mga kabulaanan: kinayayamutan ng Panginoon ang taong mabangis at magdaraya,

Sapagka't walang pagtatapat sa kanilang bibig; ang kanilang kalooban ay tunay na kasamaan; ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan; sila'y nanganunuya ng kanilang dila.

Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, walang Dios: sila'y nangapapahamak, sila'y nagsigawa ng kasuklamsuklam na mga gawa; walang gumagawa ng mabuti, Tinutunghan ng Panginoon ang mga anak ng mga tao mula sa langit, upang tingnan, kung may sinomang nakakaunawa, na hinahanap ng Dios. Silang lahat ay nagsihiwalay; sila'y magkakasama na naging kahalayhalay; walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa.

Matahimik nawa ang mga sinungaling na labi; na nangagsasalita laban sa matuwid ng kalasuwaan, ng kapalaluan at paghamak.

Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama. At ang iyong mga labi sa pagsasalita ng karayaan.

Nguni't sa masama ay sinasabi ng Dios, Anong iyong gagawin upang ipahayag ang aking mga palatuntunan, at iyong kinuha ang aking tipan sa iyong bibig? Palibhasa't iyong kinapopootan ang pagtuturo, at iyong iniwawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.

Ang dila mo'y kumakatha ng totoong masama; gaya ng matalas na pangahit, na gumagawang may karayaan. Iniibig mo ang kasamaan ng higit kay sa kabutihan; at ang pagsisinungaling kay sa pagsasalita ng katuwiran. (Selah) Iniibig mo ang lahat na mananakmal na salita, Oh ikaw na magdarayang dila. Ilulugmok ka ring gayon ng Dios magpakailan man, itataas ka niya, at ilalabas ka sa iyong tolda, at bubunutin ka niya sa lupain ng may buhay. (Selah)

Ang kaniyang bibig ay malambot na parang mantekilya: nguni't ang kaniyang puso ay pakikidigma: ang kaniyang mga salita ay lalong mabanayad kay sa langis, gayon ma'y mga bunot na tabak.

Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi, makuha nawa sila sa kanilang kapalaluan, at dahil sa sumpa at pagsisinungaling na kanilang sinalita.

Siyang gumagawa ng karayaan ay hindi tatahan sa loob ng aking bahay: siyang nagsasalita ng kabulaanan ay hindi matatatag sa harap ng aking mga mata.

Inilagay mo sa wala silang lahat na naliligaw sa iyong mga palatuntunan; sapagka't ang kanilang pagdaraya ay kasinungalingan.

Aking pinagtataniman at kinasusuklaman ang pagsisinungaling; nguni't ang kautusan mo'y aking iniibig.

Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: nguni't ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.

Hanggang kailan kayong mga musmos, magsisiibig sa inyong kamusmusan? At ang mga nanunuya ay maliligaya sa panunuya, at ang mga mangmang ay mangagtatanim sa kaalaman? Magsibalik kayo sa aking saway: narito, aking ibubuhos ang aking espiritu sa inyo.

Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan: Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas. Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa Panginoon, at humiwalay ka sa kasamaan:

Ihiwalay mo sa iyo ang masamang bibig, at ang mga suwail na labi ay ilayo mo sa iyo.

Tuminging matuwid ang iyong mga mata, at ang iyong mga talukap-mata ay tuminging matuwid sa harap mo. Papanatagin mo ang landas ng iyong mga paa, at mangatatag ang lahat ng iyong lakad. Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man: ihiwalay mo ang iyong paa sa kasamaan.

May anim na bagay na ipinagtatanim ng Panginoon; Oo, pito na mga kasuklamsuklam sa kaniya: Mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng walang salang dugo; Puso na kumakatha ng mga masamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan; Sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.

Siyang sumasaway sa manglilibak ay nagtataglay ng kahihiyan sa kaniyang sarili: at siyang sumasaway sa masama ay nagtataglay ng pula sa kaniyang sarili. Huwag mong sawayin ang manglilibak, baka ipagtanim ka niya: sawayin mo ang pantas, at kaniyang iibigin ka. Turuan mo ang pantas, at siya'y magiging lalong pantas pa: iyong turuan ang matuwid, at siya'y lalago sa pagkatuto.

Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan: at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.

Ang labi ng katotohanan ay matatatag kailan man. Nguni't ang sinungaling na dila ay sa sangdali lamang.

Mga sinungaling na labi ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang nagsisigawang may katotohanan ay kaniyang kaluguran.

Ang tapat na saksi ay hindi magbubulaan: nguni't ang sinungaling na saksi ay nagbabadya ng mga kasinungalingan. Ang manglilibak ay humahanap ng karunungan at walang nasusumpungan: nguni't ang kaalaman ay madali sa kaniya na naguunawa. Paroon ka sa harapan ng taong mangmang, at hindi mo mamamalas sa kaniya ang mga labi ng kaalaman:

Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng mga tao: nguni't siyang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay nagdaraya.

Ayaw ang manglilibak na siya'y sawayin. Siya'y hindi paroroon sa pantas.

Ang manggagawa ng kasamaan ay nakikinig sa masasamang labi; at ang sinungaling ay nakikinig sa masamang dila.

Ang sinungaling na saksi ay walang pagsalang parurusahan; at ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay hindi makatatahan.

Ang sinungaling na saksi ay walang pagsalang parurusahan; at ang nagbabadya ng mga kasinungalingan ay mamamatay.

Itaboy mo ang manglilibak, at ang pagtatalo ay maalis; Oo, ang pagkakaalit at pagduwahagi ay matitigil.

Huwag kang sumaksi laban sa iyong kapuwa ng walang kadahilanan; at huwag kang magdaya ng iyong mga labi.

Maigi ang saway na hayag kay sa pagibig na nakukubli. Tapat ang mga sugat ng kaibigan: nguni't ang mga halik ng kaaway ay malabis.

Kung ang puno ay nakikinig sa kabulaanan, lahat niyang mga lingkod ay masasama.

Bawa't salita ng Dios ay subok: siya'y kalasag sa kanila, na nanganganlong sa kaniya. Huwag kang magdagdag sa kaniyang mga salita, baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang sinungaling.

Ang mabuting pangalan ay maigi kay sa mahalagang unguento; at ang kaarawan ng kamatayan kay sa kaarawan ng kapanganakan.

Dinggin mo, Oh langit, at pakinggan mo, Oh lupa, sapagka't sinalita ng Panginoon: Ako'y nagalaga at nagpalaki ng mga bata, at sila'y nanganghimagsik laban sa akin. Nakikilala ng baka ang kaniyang panginoon, at ng asno ang pasabsaban ng kaniyang panginoon: nguni't ang Israel ay hindi nakakakilala, ang bayan ko ay hindi gumugunita. Ah bansang salarin, bayang napapasanan ng kasamaan, lahi ng mga manggagawa ng kasamaan, mga anak na nagsisigawa ng kalikuan: pinabayaan nila ang Panginoon, hinamak nila ang Banal ng Israel, sila'y nangapalayo na nagsiurong. Bakit kayo'y hahampasin pa, na kayo'y manganghimagsik ng higit at higit? ang buong ulo ay masakit, at ang buong puso ay nanglulupaypay.

Nguni't ang pagkalipol ng mga mananalangsang at ng mga makasalanan ay magkakapisan, at silang nagtatakuwil sa Panginoon ay mangalilipol.

Sa aba nila na nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim; na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait! Sa aba nila na pantas sa kanilang sariling mga mata, at mabait sa kanilang sariling paningin!

Ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang inyong aariing banal; at sumakaniya ang inyong takot, at sumakaniya ang inyong pangingilabot. At siya'y magiging pinakasantuario; nguni't pinakabatong katitisuran at pinaka malaking batong pangbuwal sa dalawang sangbahayan ng Israel, na pinakabitag at pinakasilo sa mga nananahan sa Jerusalem.

Sa kautusan at sa patotoo! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila.

Ano't nahulog ka mula sa langit, Oh tala sa umaga, anak ng umaga! paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpahina sa mga bansa! At sinabi mo sa iyong sarili, Ako'y sasampa sa langit, aking itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Dios; at ako'y uupo sa bundok ng kapisanan, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hilagaan: Ako'y sasampa sa itaas ng mga kaitaasan ng mga alapaap; ako'y magiging gaya ng Kataastaasan. Gayon ma'y mabababa ka sa Sheol, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hukay. Silang nangakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo, kanilang mamasdan ka, na mangagsasabi, Ito baga ang lalake na nagpayanig ng lupa, na nagpauga ng mga kaharian;

At ang diwa ng Egipto ay mauupos sa gitna niyaon; at aking sisirain ang payo niyaon: at sasangguni sila sa mga diosdiosan, at sa mga enkantador, at sa mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga manghuhula.

Gayon man ang mga ito ay gumigiray dahil sa alak, at dahil sa matapang na alak ay pahapayhapay; ang saserdote at ang propeta ay gumigiray dahil sa matapang na alak, sila'y nangasakmal ng alak, sila'y pahapayhapay dahil sa matapang na alak: sila'y nangamamali sa pangitain, sila'y nangatitisod sa paghatol.

At sinabi ng Panginoon, Yamang ang bayang ito ay lumapit sa akin, at pinapupurihan ako ng kanilang bibig at ng kanilang mga labi, nguni't inilayo ang kanilang puso sa akin, at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na itinuro sa kanila:

Kayo'y nangagbabaligtad ng mga bagay! Maibibilang bagang putik ang magpapalyok; upang sabihin ng bagay na yari sa may-gawa sa kaniya, Hindi niya ginawa ako; o sabihin ng bagay na may anyo tungkol sa naganyo, Siya'y walang unawa?

Sila namang nangamamali sa diwa ay darating sa pagkaunawa, at silang mga mapag-upasala ay mangatututo ng aral.

Sapagka't mapanghimagsik na bayan, mga sinungaling na anak, mga anak na hindi didinig ng kautusan ng Panginoon:

Na nagsasabi sa mga tagakita, Huwag kayong kumita; at sa mga propeta, Huwag kayong manghula sa amin ng mga matuwid na bagay, magsalita kayo sa amin ng mga malubay na bagay, manghula kayo ng mga magdarayang bagay: Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas, papaglikatin ninyo ang Banal ng Israel sa harap namin. Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel, Sapagka't inyong hinamak ang salitang ito, at nagsitiwala kayo sa kapighatian at kasuwailan, at yaon ay inyong inaasahan: Kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y gaya ng batong sira na madaling mababagsak, na natatanggal sa isang matayog na pader, na biglang dumarating ang pagkasira sa isang sangdali.

Na sumisira ng mga tanda ng mga sinungaling, at nagpapaging ulol sa mga manghuhula; na nagpapaurong sa mga pantas, at nagpapaging kamangmangan ng kanilang kaalaman;

Ang kaniyang mga bantay ay mga bulag, silang lahat ay walang kaalaman; silang lahat ay mga piping aso, sila'y hindi makatahol; mapanaginipin, mapaghiga, maibigin sa pagidlip. Oo, ang mga aso ay matatakaw, sila'y kailan man ay walang kabusugan; at ang mga ito ay mga pastor na hindi nangakakaunawa: sila'y nagsilikong lahat sa kanilang sariling daan na mula sa lahat ng dako, bawa't isa'y sa kaniyang pakinabang.

Laban kanino nakipagaglahian kayo? laban kanino nagluluwang kayo ng bibig, at naglalawit ng dila? hindi baga kayo mga anak ng pagsalangsang, lahing sinungaling,

Sapagka't ang sangbahayan ni Israel at ang sangbahayan ni Juda ay gumagawang may kataksilan laban sa akin, sabi ng Panginoon. Kanilang ikinaila ang Panginoon, at sinabi, Hindi siya; ni darating sa atin ang kasamaan; ni makakakita tayo ng tabak o ng kagutom man: At ang mga propeta ay magiging parang hangin, at ang salita ay wala sa kanila: ganito ang gagawin sa kanila.

Isang kamanghamangha at kakilakilabot na bagay ay nangyayari sa lupain: Ang mga propeta ay nanganghuhula ng kasinungalingan, at ang mga saserdote ay nangagpupuno sa pamamagitan ng kanilang mga kamay; at iniibig ng aking bayan na magkagayon: at ano ang inyong gagawin sa wakas niyaon?

Sapagka't mula sa kaliitliitan nila hanggang sa kalakilakihan nila, bawa't isa ay ibinigay sa kasakiman; at mula sa propeta hanggang sa saserdote bawa't isa'y gumagawang may kasinungalingan. Kanilang pinagaling din naman ng kaunti ang sugat ng aking bayan, na sinasabi, Kapayapaan, kapayapaan; gayon ma'y walang kapayapaan.

At mangagdaya bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at hindi mangagsasalita ng katotohanan: kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan; sila'y nangagpakapagod upang gumawa ng kasamaan. Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pangdadaya: dahil sa pangdadaya ay ayaw silang kumilala sa akin, sabi ng Panginoon.

Ang kanilang dila ay panang nakamamatay; nagsasalita ng karayaan: nagsasalitang may kapayapaan ng kaniyang bibig sa kaniyang kapuwa, nguni't bumabakay siya ng kaniyang puso sa kaniya.

Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Ang mga propeta ay nanghuhula ng kasinungalingan sa aking pangalan; hindi ko sila sinugo, o inutusan ko man sila, o nagsalita man ako sa kanila: sila'y nanganghuhula sa iyo ng sinungaling na pangitain, at ng panghuhula, at ng bagay na wala, at ng daya ng kanilang sariling puso. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta na nanghuhula sa aking pangalan, at hindi ko sila sinugo, na gayon ma'y nagsasabi sila, Tabak at kagutom ay hindi sasapit sa lupaing ito: Sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom ay malilipol ang mga propetang yaon.

Ganito ang sabi ng Panginoon: Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kaniyang bisig, at ang puso ay humihiwalay sa Panginoon.

Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam? Akong Panginoon, ay sumisiyasat ng pagiisip, aking tinatarok ang mga puso, upang magbigay sa bawa't tao ng ayon sa kanikaniyang lakad, ayon sa bunga ng kanikaniyang mga gawain.

Tungkol sa mga propeta. Ang puso ko sa loob ko ay bagbag, lahat kong buto ay nanginginig; ako'y parang langong tao, at parang taong dinaig ng alak, dahil sa Panginoon, at dahil sa kaniyang mga banal na salita.

Sapagka't ang propeta ay gayon din ang saserdote ay marumi; oo, sa aking bahay ay nasumpungan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon. Kaya't ang kanilang daan ay magiging sa kanila'y parang mga madulas na dako sa kadiliman: sila'y isusudlong, at mangabubuwal doon; sapagka't ako'y magpaparating ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila, sabi ng Panginoon.

Sa mga propeta ng Jerusalem naman ay nakita ko ang kakilakilabot na bagay: sila'y nangangalunya, at nagsisilakad sa mga kasinungalingan; at kanilang pinalalakas ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan, na anopa't walang humihiwalay sa kaniyang kasamaan: silang lahat ay naging parang Sodoma sa akin, at ang mga nananahan dito ay parang Gomorra. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta, Narito, aking pakakanin sila ng ajenjo, at paiinumin ko sila ng inuming mapait, sapagka't mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumabas ang pagdudumi sa buong lupain.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Huwag ninyong dinggin ang mga salita ng mga propeta na nanganghuhula sa inyo: sila'y nangagtuturo sa inyo ng walang kabuluhan; sila'y nangagsasalita ng pangitain ng kanilang sariling puso, at hindi mula sa bibig ng Panginoon. Kanilang sinasabing lagi sa kanila na nagsisihamak sa akin, Sabi ng Panginoon, Kayo'y mangagkakaroon ng kapayapaan; at sa bawa't isa na lumalakad sa katigasan ng kaniyang sariling puso ay sinasabi nila, Walang kasamaang darating sa inyo.

Ang galit ng Panginoon ay hindi mapaparam, hanggang sa kaniyang magawa, at hanggang sa kaniyang maisagawa ang haka ng kaniyang puso: sa mga huling araw ay lubos ninyong mauunawa. Hindi ko sinugo ang mga propetang ito, gayon ma'y nagsitakbo sila: ako'y hindi nagsalita sa kanila, gayon ma'y nanghula sila.

Aking narinig kung ano ang sinabi ng mga propeta, na nanganghuhula ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nangagsasabi, Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip. Hanggang kailan masusumpungan ito sa puso ng mga propeta na nanganghuhula ng mga kasinungalingan; sa makatuwid baga'y ng mga propeta na nanganghuhula ng daya ng kanilang sariling puso? Na nagaakalang magpalimot sa aking bayan ng aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasaysay ng bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, gaya ng kanilang mga magulang na nakalimot ng aking pangalan dahil kay Baal. Ang propeta na nanaginip, ay magsaysay siya ng isang panaginip; at siyang nagtamo ng aking salita, salitain niya ang aking salita na may pagtatapat. Ano ang dayami sa trigo? sabi ng Panginoon. Hindi baga ang aking salita ay parang apoy? sabi ng Panginoon; at parang pamukpok na dumudurog ng bato?

Narito, ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na nagsisipagsalita, at nangagsasabi, Kaniyang sinasabi. Narito, ako'y laban sa kanila na nanghuhula ng mga sinungaling na panaginip, sabi ng Panginoon, at sinasaysay, at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan, at sa pamamagitan ng kanilang walang kabuluhang kahambugan: gayon man ay hindi ko sinugo sila, o inutusan ko man sila; at hindi man pinakikinabangan nila ang bayang ito sa anomang paraan, sabi ng Panginoon.

At tungkol sa propeta, at sa saserdote, at sa bayan, na magsasabi, Ang hula na mula sa Panginoon, ay akin ngang parurusahan ang lalaking yaon at ang kaniyang sangbahayan. Ganito ang sasabihin ng bawa't isa sa inyo sa kaniyang kapuwa, at ng bawa't isa sa kaniyang kapatid, Ano ang isinagot ng Panginoon? at, Ano ang sinalita ng Panginoon? At ang hula na mula sa Panginoon ay hindi na ninyo babanggitin pa: sapagka't bawa't sariling salita ng tao ay magiging kaniyang hula; sapagka't inyong binago ang mga salita ng buhay na Dios, ng Panginoon ng mga hukbo na ating Dios.

Nguni't kung inyong sabihin, Ang hula na mula sa Panginoon; ganito nga ang sabi ng Panginoon: Sapagka't inyong sinasabi ang salitang ito, Ang hula na mula sa Panginoon, at ako'y nagsugo sa inyo, na sinabi ko, Huwag ninyong sasabihin, Ang hula na mula sa Panginoon; Kaya't, narito, aking lubos na kalilimutan kayo, at aking itatakuwil kayo, at ang bayang ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, mula sa aking harapan: At ako'y magpaparating ng walang hanggang kakutyaan sa inyo, at walang hanggang kahihiyan, na hindi malilimutan.

Nguni't tungkol sa inyo, huwag ninyong dinggin ang inyong mga propeta, o ang inyong mga manghuhula man, o ang inyong mga panaginip man, o ang inyong mga mapamahiin man, o ang inyong mga manggagaway man, na nangagsasalita sa inyo, na nagsasabi, Kayo'y hindi mangaglilingkod sa hari sa Babilonia: Sapagka't sila'y nanganghuhula ng kasinungalingan sa inyo, upang ilayo kayo sa inyong lupain; at aking palalayasin kayo at kayo'y mangalilipol.

At huwag kayong mangakinig ng salita ng mga propeta na nangagsasalita sa inyo, na nangagsasabi, Kayo'y hindi mangaglilingkod sa hari sa Babilonia: sapagka't sila'y nanganghuhula ng kabulaanan sa inyo. Sapagka't hindi ko sinugo sila, sabi ng Panginoon; kundi sila'y nanganghuhulang may kasinungalingan sa aking pangalan; upang aking mapalayas kayo, at kayo'y mangalipol, kayo, at ang mga propeta na nanganghuhula sa inyo. Ako naman ay nagsalita rin sa mga saserdote at sa lahat ng bayang ito, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kayong mangakinig ng mga salita ng inyong mga propeta, na nanganghuhula sa inyo, na nangagsasabi, Narito, ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon ay madaling madadala uli na mula sa Babilonia: sapagka't sila'y nanganghuhula ng kasinungalingan sa inyo.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Huwag kayong dayain ng mga propeta na nangasa gitna ninyo, at ng inyong mga manghuhula, o mangakinig man kayo sa inyong mga panaginip na inyong napapanaginip. Sapagka't sila'y nanganghuhulang may kasinungalingan sa inyo sa aking pangalan: hindi ko sinugo sila, sabi ng Panginoon.

Ang aking bayan ay naging gaya ng nawalang tupa: iniligaw sila ng kanilang mga pastor; sila'y inilihis sa mga bundok; sila'y nagsiparoon sa burol mula sa bundok; kanilang nalimutan ang kanilang pahingahang dako.

Pagka aking sinabi sa masama, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay; at hindi mo pinagpaunahan siya, o nagsasalita ka man upang hikayatin ang masama mula sa kaniyang masamang lakad, upang iligtas ang kaniyang buhay; ang gayong masamang tao ay mamamatay sa kaniyang kasamaan; nguni't ang kaniyang dugo ay aking sisiyasatin sa iyong kamay. Gayon ma'y kung iyong pagpaunahan ang masama, at siya'y hindi humiwalay sa kaniyang kasamaan, o sa kaniyang masamang lakad man, siya'y mamamatay sa kaniyang kasamaan; nguni't iyong iniligtas ang iyong kaluluwa. Muli, pagka ang isang taong matuwid ay lumilihis sa kaniyang katuwiran, at gumawa ng kasamaan, at ako'y naglalagay ng katitisuran sa harap niya, siya'y mamamatay; sapagka't hindi mo siya pinagpaunahan, siya'y mamamatay sa kaniyang kasalanan, at ang kaniyang mga matuwid na gawa na kaniyang ginawa ay hindi aalalahanin; nguni't ang kaniyang dugo ay aking sisiyasatin sa iyong kamay. Gayon ma'y kung iyong pinagpaunahan ang taong matuwid, upang ang matuwid ay huwag magkasala, at siya'y hindi nagkakasala, siya'y walang pagsalang mabubuhay, sapagka't siya'y nahikayat; at iyong iniligtas ang iyong kaluluwa.

Sapagka't hindi na magkakaroon pa ng walang kabuluhang pangitain o ng di tunay na panghuhula sa loob ng sangbahayan ni Israel.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, Anak ng tao, manghula ka laban sa mga propeta ng Israel na nanganghuhula, at sabihin mo sa kanila na nanganghuhula ng mula sa kanilang sariling puso, Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon: Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sa aba ng mga hangal na mga propeta, na nagsisisunod sa kanilang sariling diwa, at walang nakitang anoman!

Oh Israel, ang iyong mga propeta ay naging parang mga zorra sa mga gibang dako. Kayo'y hindi sumampa sa mga sira, o iginawa man ninyo ng kuta ang sangbahayan ni Israel, upang siya'y makatayo sa pakikipagbaka sa kaarawan ng Panginoon. Sila'y nangakakita ng walang kabuluhan, at sinungaling na panghuhula, na nagsasabi, Sabi ng Panginoon; at hindi sila sinugo ng Panginoon; at kanilang pinaasa ang mga tao na ang salita ay magiging totoo. Hindi baga kayo nakakita ng walang kabuluhang pangitain, at hindi baga kayo nagsalita ng kasinungalingang panghuhula, sa inyong pagsasabi, Sabi ng Panginoon; yamang hindi ko sinalita?

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't kayo'y nangagsasalita ng walang kabuluhan, at nangakakita ng mga kasinungalingan, kaya't, narito, ako'y laban sa inyo, sabi ng Panginoong Dios.

At ang aking kamay ay magiging laban sa mga propeta na nangakakakita ng walang kabuluhan, at nanganghuhula ng mga kasinungalingan: sila'y hindi mapapasa kapulungan ng aking bayan, o masusulat man sa pasulatan ng sangbahayan ni Israel, o sila man ay magsisipasok sa lupain ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoong Dios. Sapagka't, sa makatuwid baga'y sapagka't kanilang hinikayat ang aking bayan, na nangagsabi, Kapayapaan; at walang kapayapaan; at pagka ang isa ay nagtatayo ng isang kuta, narito, kanilang tinatapalan ng masamang argamasa: Sabihin mo sa kanila na nangagtatapal ng masamang argamasa, na yao'y mababagsak: magkakaroon ng bugso ng ulan; at kayo. Oh malalaking granizo, ay babagsak; at isang unos na hangin ay titibag niyaon. Narito, pagka ang kuta ay nabagsak, hindi baga sasabihin sa inyo: Saan nandoon ang tapal na inyong itinapal? Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Akin ngang titibagin ng unos na hangin sa aking kapusukan; at magkakaroon ng bugso ng ulan sa aking pagkagalit, at malalaking mga granizo sa kapusukan upang tunawin. Gayon ko ibabagsak ang kuta na inyong tinapalan ng masamang argamasa, at aking ilalagpak sa lupa, na anopa't ang pinagsasaligan niyaon ay malilitaw: at mababagsak, at kayo'y malilipol sa gitna niyaon; at inyong malalaman na ako ang Panginoon. Ganito ko wawakasan ang aking kapusukan sa kuta, at sa nangagtapal ng masamang argamasa; at sasabihin ko sa iyo, Ang kuta ay wala na, o ang nangagtatapal man; Sa makatuwid baga'y ang mga propeta ng Israel, na nanganghuhula tungkol sa Jerusalem, at nangakakakita ng pangitaing kapayapaan para sa bayan, at walang kapayapaan, sabi ng Panginoong Dios.

At ikaw, anak ng tao, itingin mo ang iyong mukha laban sa mga anak na babae ng iyong bayan, na nanganghuhula ng mula sa kanilang sariling puso; at manghula ka laban sa kanila,

Sapagka't sa pamamagitan ng kasinungalingan ay inyong pinighati ang puso ng matuwid, na hindi ko pinalungkot, at inyong pinalakas ang kamay ng masama, upang huwag humiwalay sa kaniyang masamang lakad, at maligtas na buhay; Kaya't hindi na kayo mangakakakita ng walang kabuluhang pangitain o manganghuhula man ng mga panghuhula: at aking ililigtas ang aking bayan mula sa inyong kamay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

At itinapal ng mga propeta niyaon ang masamang argamasa para sa kanila, na nakakita ng walang kabuluhan, at nanganghuhula ng mga kabulaanan sa kanila, na nangagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, dangang hindi sinalita ng Panginoon.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Dios, Kaya't narito, ako'y magdadala ng mga taga ibang lupa sa iyo, na kakilakilabot sa mga bansa; at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa kagandahan ng iyong karunungan, at kanilang dudumhan ang iyong kaningningan.

Kung, pagkakita niya ng tabak na dumarating sa lupain, kaniyang hipan ang pakakak, at magbigay alam sa bayan; Sinoman ngang makarinig ng tunog ng pakakak, at hindi pinansin kung ang tabak ay dumating at dalhin siya, ang kaniyang dugo ay mapapasa kaniyang sariling ulo. Narinig niya ang tunog ng pakakak, at hindi pinansin; ang kaniyang dugo ay sasa kaniya; sapagka't kung siya'y pumansin ay kaniyang nailigtas sana ang kaniyang buhay. Nguni't kung makita ng bantay na dumarating ang tabak, at hindi humihip ng pakakak, at ang bayan ay hindi napagbigyang alam, at ang tabak ay dumating, at maghiwalay ng sinoman mula sa gitna nila; siya'y nahiwalay sa kaniyang kasamaan, nguni't ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa kamay ng bantay.

Sa gayo'y ikaw, anak ng tao, ay inilagay ko na bantay sa sangbahayan ni Israel; kaya't dinggin mo ang salita sa aking bibig, at magbigay alam ka sa kanila sa ganang akin. Pagka aking sinabi sa masama, Oh masamang tao, ikaw ay walang pagsalang mamamatay, at ikaw ay hindi nagsasalita upang magbigay alam sa masama ng kaniyang lakad: ang masamang yaon ay mamamatay sa kaniyang kasamaan, nguni't ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa iyong kamay. Gayon ma'y kung iyong bigyang alam ang masama ng kaniyang lakad upang humiwalay, at hindi niya hiniwalayan ang kaniyang lakad; mamamatay siya sa kaniyang kasamaan, nguni't iniligtas mo ang iyong kaluluwa.

Muli, pagka aking sinabi sa masama, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay; kung kaniyang iwan ang kaniyang kasalanan, at gawin ang tapat at matuwid; Kung isauli ng masama ang sanla, ibigay uli ang kinuha sa pagnanakaw, lumakad sa palatuntunan ng buhay, na di gumawa ng kasamaan, siya'y walang pagsalang mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.

Gayon ma'y sinabi ng mga anak ng iyong bayan, Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid: nguni't tungkol sa kanila, ay hindi matuwid ang kanilang lakad. Pagka iniwan ng matuwid ang kaniyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, kaniyang ikamamatay yaon. At kung hiwalayan ng masama ang kaniyang kasamaan, at gumawa ng tapat at matuwid, kaniyang ikabubuhay yaon. Gayon ma'y inyong sinasabi, Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid. Oh sangbahayan ni Israel, aking hahatulan kayo bawa't isa, ayon sa kaniyang mga lakad.

Anak ng tao, manghula ka laban sa mga pastor ng Israel, manghula ka, at iyong sabihin sa kanila, sa mga pastor, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa aba ng mga pastor ng Israel na pinakakain ang kanilang sarili! hindi baga dapat pakanin ng mga pastor ang mga tupa? Kayo'y nagsisikain ng gatas, at kayo'y nangananamit sa inyo ng lana, inyong pinapatay ang mga pinataba; nguni't hindi ninyo pinakakain ang mga tupa. Hindi ninyo pinalakas ang payat, o inyo mang pinagaling ang may sakit, o inyo mang tinalian ang may bali, o inyo mang ibinalik ang iniligaw, o inyo mang hinanap ang nawala; kundi inyong pinagpunuang may karahasan at may kahigpitan. At sila'y nangalat dahil sa walang pastor, at sila'y naging pagkain sa lahat ng hayop sa parang, at sila'y nangalat. Ang aking mga tupa ay nagsisilaboy sa lahat ng bundok, at sa lahat na mataas na burol: oo, ang aking mga tupa ay nangalat sa buong ibabaw ng lupa; at walang magsiyasat o humanap sa kanila.

Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsala na dahil sa ang aking mga tupa ay naging samsam, at ang aking mga tupa ay naging pagkain sa lahat na hayop sa parang, sapagka't walang pastor, o hinanap man ng aking mga pastor ang aking mga tupa, kundi ang mga pastor ay nagsikain, at hindi pinakain ang aking mga tupa; Kaya't, Oh kayong mga pastor, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon: Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ako'y laban sa mga pastor; at aking aalisin ang aking mga tupa sa kanilang kamay, at akin silang patitigilin ng pagpapakain ng mga tupa; at hindi na naman pakakanin ng mga pastor ang kanilang sarili; at aking ililigtas ang aking mga tupa sa kanilang bibig, upang huwag maging pagkain sa kanila.

At tungkol sa inyo, Oh aking kawan, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y humahatol sa gitna ng hayop at hayop, sa gitna ng mga lalaking tupa at mga kambing na lalake.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa kanila: Narito, ako, sa makatuwid baga'y ako, ay hahatol sa matabang tupa at sa payat na tupa. Sapagka't inyong itinulak ng tagiliran at ng balikat, at inyong sinuwag ng inyong mga sungay ang lahat na may sakit, hanggang sa inyong napangalat sila; Kaya't aking ililigtas ang aking kawan, at hindi na sila magiging samsam; at ako'y hahatol sa tupa at tupa.

At kayo'y nangagmalaki laban sa akin ng inyong bibig, at inyong pinarami ang inyong mga salita laban sa akin: aking narinig yaon.

Ang aking bayan ay nasira dahil sa kakulangan ng kaalaman: sapagka't ikaw ay nagtakuwil ng kaalaman, akin namang itatakuwil ka, upang ikaw ay huwag maging saserdote ko: yamang iyong nilimot ang kautusan ng iyong Dios, akin namang kalilimutan ang iyong mga anak.

Ang aking bayan ay humingi ng payo sa kanilang tungkod, at ang kanilang tungkod ay nagpapahayag sa kanila; sapagka't ang pagpapatutot ay nagligaw sa kanila, at sila'y nagpatutot, na nagsisihiwalay sa kanilang Dios.

Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta na nagliligaw sa aking bayan; na nagkakanggigitil ng kanilang mga ngipin at nagsisihiyaw, Kapayapaan; at yaong hindi naglalagay sa kanilang bibig, ay pinaghahandaan siya nila ng digma: Kaya't magiging gabi sa inyo, na hindi kayo magkakaroon ng pangitain; at magkakaroon ng kadiliman, na hindi kayo makapanghuhula; at ang araw ay lulubog sa mga propeta, at ang araw ay mangungulimlim sa kanila. At ang mga tagakita ay mangapapahiya, at ang mga manghuhula ay mangatutulig; oo, silang lahat ay mangagtatakip ng kanilang mga labi; sapagka't walang kasagutan ng Dios.

Ang mga pangulo niya'y nagsisihatol dahil sa suhol, at ang mga saserdote, niya'y nangagtuturo dahil sa upa, at ang mga propeta niya'y nanganghuhula dahil sa salapi: gayon ma'y sila'y sasandal sa Panginoon, at mangagsasabi, Hindi baga ang Panginoon ay nasa gitna natin? walang kasamaang darating sa akin.

Ito ang mga bagay na inyong gagawin, Magsalita ang bawa't isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa; humatol kayo ng katotohanan at kapayapaan sa inyong mga pintuang-bayan; At huwag magisip ang sinoman sa inyo ng kasamaan sa inyong puso laban sa kaniyang kapuwa; at huwag ninyong ibigin ang sinungaling na sumpa: sapagka't ang lahat ng ito ay mga bagay na aking kinapopootan, sabi ng Panginoon.

Sapagka't ang mga teraf ay nagsalita ng walang kabuluhan, at ang mga manghuhula ay nangakakita ng isang kabulaanan; at sila'y nangagsaysay ng mga kabulaanang panaginip, sila'y nagsisialiw ng walang kabuluhan: kaya't sila'y nagsisiyaon ng kanilang lakad na parang mga tupa, sila'y nadadalamhati, sapagka't walang pastor.

Sa aba ng walang kabuluhang pastor na nagpapabaya ng kawan! ang tabak ay sasapit sa kaniyang kamay, at sa kaniyang kanang mata: ang kaniyang kamay ay matutuyong mainam, at ang kaniyang kanang mata ay lalabong lubos.

At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, na aking ihihiwalay sa lupain ang mga pangalan ng mga diosdiosan, at sila'y hindi na mangaaalaala pa; at aking palalayasin naman ang mga propeta at ang karumaldumal na espiritu sa lupain. At mangyayari, na pagka ang sinoman ay manghuhula, sasabihin nga sa kaniya ng kaniyang ama at ng kaniyang ina na nanganak sa kaniya, Ikaw ay hindi mabubuhay; sapagka't ikaw ay nagsasalita ng kabulaanan sa pangalan ng Panginoon; at palalagpasan siya ng kaniyang ama at ng kaniyang ina na nanganak sa kaniya samantalang siya'y nanghuhula. At mangyayari sa araw na yaon na ang mga propeta ay mangahihiya bawa't isa dahil sa kaniyang pangitain, pagka siya'y nanghuhula; hindi man sila mangagsusuot ng kasuutang balahibo, upang mangdaya: Kundi kaniyang sasabihin, Ako'y hindi propeta, ako'y mangbubukid sa lupa; sapagka't ako'y pinapaging alipin mula sa aking pagkabinata.

Sapagka't ang mga labi ng saserdote ay dapat mangagingat ng kaalaman, at kanilang marapat hanapin ang kautusan sa kaniyang bibig; sapagka't siya ang sugo ng Panginoon ng mga hukbo. Nguni't kayo'y nagsilihis sa daan; inyong itinisod ang marami sa kautusan; inyong sinira ang tipan ni Levi, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Kaya't kayo'y ginawa ko namang hamak at pinakamababa sa harap ng buong bayan, ayon sa hindi ninyo pagkaingat ng aking mga daan, kundi tumangi kayo ng mga pagkatao sa kautusan.

Mapapalad ang mga pinaguusig dahil sa katuwiran: sapagka't kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo pagka kayo'y inaalimura, at kayo'y pinaguusig, at kayo'y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin. Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka't malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka't gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo.

Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin. Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay. Kaya't ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit: datapuwa't ang sinomang gumanap at ituro, ito'y tatawaging dakila sa kaharian ng langit.

At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng inyong kapatid, nguni't hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata? O paanong sasabihin mo sa iyong kapatid, Pabayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo; at narito, ang tahilan sa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan sa iyong sariling mata; at kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pag-aalis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid. Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, baka yurakan ng kanilang mga paa, at mangagbalik at kayo'y lapain.

Kayo'y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka't maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo'y nagsisipasok. Sapagka't makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.

Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila.

Bawa't punong kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy. Kaya't sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila.

Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.

At ang sinomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kaniya; datapuwa't ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kaniya, kahit sa sanglibutang ito, o maging sa darating.

Kaya't sila'y pinagsasalitaan ko sa mga talinghaga; sapagka't nagsisitingin ay hindi sila nangakakakita, at nangakikinig ay hindi sila nangakakarinig, ni hindi sila nangakakaunawa. At natutupad sa kanila ang hula ni Isaias, na sinasabi, Sa pakikinig ay inyong maririnig, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas:

Pakinggan nga ninyo ang talinghaga tungkol sa manghahasik. Kung ang sinoman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at ito'y hindi niya napaguunawa, ay pinaroroonan ng masama, at inaagaw ang nahasik sa kaniyang puso. Ito yaong nahasik sa tabi ng daan. At ang nahasik sa mga batuhan, ay yaong nakikinig ng salita, at pagdaka'y tinatanggap ito ng buong galak; Gayon ma'y wala siyang ugat sa kaniyang sarili, kundi sangdaling tumatagal; at pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa salita, ay pagdaka'y natitisod siya. At ang nahasik sa mga dawagan, ay yaong dumirinig ng salita; nguni't ang pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, ay siyang umiinis sa salita, at yao'y nagiging walang bunga. At ang nahasik sa mabuting lupa, ay siyang dumirinig, at nakauunawa ng salita; na siyang katotohanang nagbubunga, ang ila'y tigisang daan, ang ila'y tigaanim na pu, at ang ila'y tigtatatlongpu.

At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bakit naman kayo'y nagsisilabag sa utos ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi?

Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.

Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Ang bawa't halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa kalangitan, ay bubunutin. Pabayaan ninyo sila: sila'y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay.

Ano't hindi ninyo napaguunawa na hindi ang sinabi ko sa inyo'y tungkol sa tinapay? Datapuwa't kayo'y mangagingat sa lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo. Nang magkagayo'y kanilang natalastas na sa kanila'y hindi ipinagutos na sila'y magsipagingat sa lebadura ng tinapay, kundi sa mga aral ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.

Datapuwa't lumingon siya, at sinabi kay Pedro, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas: ikaw ay tisod sa akin: sapagka't hindi mo pinagiisip ang mga bagay ng Dios, kundi ang mga bagay ng tao.

At kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo, pumaroon ka, at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang magisa: kung ikaw ay pakinggan niya, ay nagwagi ka sa iyong kapatid. Datapuwa't kung hindi ka niya pakinggan, ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa't salita. At kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesia: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia, ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis.

Datapuwa't napagkikilala ni Jesus ang kanilang kasamaan, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ako tinutukso, kayong mga mapagpaimbabaw?

Nang magkagayo'y nagsalita si Jesus sa mga karamihan at sa kaniyang mga alagad, Na nagsasabi, Nagsisiupo ang mga eskriba at mga Fariseo sa luklukan ni Moises. Lahat nga ng mga bagay na sa inyo'y kanilang ipagutos, ay gawin ninyo at ganapin: datapuwa't huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa; sapagka't kanilang sinasabi, at hindi ginagawa. Oo, sila'y nangagbibigkis ng mabibigat na pasan at mahihirap na dalhin, at ipinapasan nila sa mga balikat ng mga tao; datapuwa't ayaw man lamang nilang kilusin ng kanilang daliri. Datapuwa't ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang mangakita ng mga tao: sapagka't nangagpapalapad sila ng kanilang mga pilakteria, at nangagpapalapad ng mga laylayan ng kanilang mga damit,

At iniibig ang mga pangulong dako sa mga pigingan, at ang mga pangulong luklukan sa mga sinagoga, At pagpugayan sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, Rabi. Datapuwa't kayo'y huwag patawag na Rabi: sapagka't iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: sapagka't iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga'y siya na nasa langit. Ni huwag kayong patawag na mga panginoon; sapagka't iisa ang inyong panginoon, sa makatuwid baga'y ang Cristo. Datapuwa't ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. At sinomang nagmamataas ay mabababa; at sinomang nagpapakababa ay matataas.

Datapuwa't sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka't kayo'y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. Sa aba ninyo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka't sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing bao, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa. Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya'y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili.

Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba't ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwa't dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba. Kayong mga tagaakay na bulag na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo! Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpapaimbabaw! sapagka't inyong nililinis ang labas ng saro at ng pinggan, datapuwa't sa loob ay puno sila ng panglulupig at katakawan. Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis naman ang kaniyang labas. Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa't sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal. Gayon din naman kayo, sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa't sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.

Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at inyong ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid, At sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang disi'y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta. Kaya't kayo'y nangagpapatotoo sa inyong sarili, na kayo'y mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta. Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang. Kayong mga ahas, kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawawala kayo sa kahatulan sa impierno? Kaya't, narito, sinusugo ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at mga eskriba: ang mga iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus; at ang mga iba sa kanila'y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila'y inyong paguusigin sa bayan-bayan: Upang mabubo sa inyo ang lahat na matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana.

At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman. Sapagka't marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami.

At kung magkagayo'y maraming mangatitisod, at mangagkakanuluhan ang isa't isa, at mangagkakapootan ang isa't isa. At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami. At dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pagibig ng marami ay lalamig.

Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang. Narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo.

Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.

At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin. Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.

Ang manghahasik ay naghahasik ng salita. At ang mga ito'y yaong nangasa tabi ng daan, na doon nahahasik ang salita; at nang kanilang mapakinggan, pagdaka'y pinaroroonan ni Satanas, at inaalis ang salita na inihasik sa kanila. At gayon din naman itong mga nahasik sa batuhan, na, pagkarinig nila ng salita, pagdaka'y nagsisitanggap na may galak; At hindi nangaguugat sa kanilang sarili, kundi sangdaling tumatagal; kaya't pagkakaroon ng kapighatian o ng mga paguusig dahil sa salita, pagdaka'y nangatisod sila. At ang mga iba'y yaong nangahasik sa dawagan; ang mga ito'y yaong nangakinig ng salita, At ang mga pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, at ang mga pita sa ibang mga bagay na nagsisipasok, ang nagsisiinis sa salita, at ito'y nagiging walang bunga. At yaon ang nangahasik sa mabuting lupa; na nangakikinig ng salita, at tinatanggap ito, at namumunga ng tigtatatlongpu, at tigaanim na pu, at tigiisang daan.

At sinabi niya sa kanila, Mabuti ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, ayon sa nasusulat, Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kaniyang mga labi, Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng mga tao.

Nilisan ninyo ang utos ng Dios, at inyong pinanghahawakan ang sali't-saling sabi ng mga tao. At sinabi niya sa kanila, Totoong itinatakuwil ninyo ang utos ng Dios, upang mangaganap ninyo ang inyong mga sali't-saling sabi.

Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung mangyayari, ang mga hirang. Datapuwa't mangagingat kayo: narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo ang lahat ng mga bagay.

Ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.

At sinagot siya ni Jesus, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao.

Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay mangagsalita ng magaling tungkol sa inyo! sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta.

At sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Mangyayari bagang umakay ang bulag sa bulag? di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay? Hindi higit ang alagad sa kaniyang guro: datapuwa't ang bawa't isa, pagka naging sakdal, ay nagiging katulad ng kaniyang guro.

Ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Dios. At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung magkagayo'y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso, upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas. At ang mga sa batuhan, ay yaong mga pagkarinig, ay tinatanggap na may galak ang salita; at ang mga ito'y walang ugat, na sila sa sangdaling panaho'y nagsisisampalataya, at sa panahon ng tukso ay nagsisihiwalay. At ang nahulog sa dawagan, ay ito ang nangakinig, at samantalang sila'y nagsisiyaon sa kanilang lakad ay iniinis sila ng mga pagsusumakit at mga kayamanan at mga kalayawan sa buhay na ito, at hindi nangagbubunga ng kasakdalan. At ang sa mabuting lupa ay ang mga pusong timtiman at mabuti, na iniingatan ang salita pagkarinig, at nangagbubunga may pagtitiis.

Sapagka't walang bagay na natatago, na di mahahayag; o walang lihim, na di makikilala at mapapasa liwanag. Ingatan ninyo kung paano ang inyong pakikinig: sapagka't sino mang mayroon ay bibigyan; at ang sinomang wala, pati ng inaakala niyang nasa kaniya ay aalisin.

Nguni't lubhang magaan pa ang mangawala ang langit at ang lupa, kay sa mahulog ang isang kudlit ng kautusan.

At sinabi niya, Mangagingat kayo na huwag kayong mangailigaw: sapagka't marami ang paririto sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at, Malapit na ang panahon: huwag kayong magsisunod sa kanila.

Ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.

Datapuwa't si Jesus sa kaniyang sarili ay hindi rin nagkatiwala sa kanila, sapagka't nakikilala niya ang lahat ng mga tao, Sapagka't hindi niya kinakailangan na ang sinoman ay magpatotoo tungkol sa tao; sapagka't nalalaman nga niya ang isinasaloob ng tao.

Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios. At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka't masasama ang kanilang mga gawa. Sapagka't ang bawa't isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.

Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.

Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili.

Hindi baga ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan, at gayon ma'y wala sa inyong gumaganap ng kautusan? Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin? Sumagot ang karamihan, Mayroon kang demonio: sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?

Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo ng matuwid na paghatol.

Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.

Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko; At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo.

Bakit hindi ninyo napaguunawa ang aking pananalita? sapagka't hindi ninyo mangyayaring dinggin ang aking salita. Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito.

Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios.

At sinabi ni Jesus, Sa paghatol ay naparito ako sa sanglibutang ito, upang ang mga hindi nakakakita ay mangakakita; at upang ang mga nakakakita, ay maging mga bulag. Yaong mga Fariseo na kasama niya ay nangakarinig ng mga bagay na ito, at sinabi sa kaniya, Kami baga naman ay mga bulag din? Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Kung kayo'y mga bulag, ay hindi kayo magkakaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayo'y sinasabi ninyo, Kami'y nangakakakita: nananatili ang inyong kasalanan.

Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang gayon ay tulisan at magnanakaw. Datapuwa't ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastor ng mga tupa. Binubuksan siya ng bantaypinto; at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig: at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid sa labas. Pagka nailabas na niya ang lahat ng sariling kaniya, ay pinangungunahan niya sila, at nagsisisunod sa kaniya ang mga tupa: sapagka't nakikilala nila ang kaniyang tinig. At sa iba'y hindi sila magsisisunod, kundi magsisitakas sa kaniya: sapagka't hindi nila nakikilala ang tinig ng mga iba.

Ang nagpapaupa, at hindi ang pastor, na hindi may-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo, at pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas, at inaagaw sila ng lobo, at pinapangangalat: Siya'y tumatakas sapagka't siya'y upahan, at hindi ipinagmamalasakit ang mga tupa.

Nguni't bagaman gumawa siya sa harap nila ng gayon maraming mga tanda, gayon ma'y hindi sila nagsisampalataya sa kaniya: Upang maganap ang salita ng propeta Isaias, na kaniyang sinalita, Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita? At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon? Dahil dito'y hindi sila makapaniwala, sapagka't muling sinabi ni Isaias, Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakaunawa ng kanilang puso At mangagbalik-loob, At sila'y mapagaling ko.

Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya'y hahatol sa huling araw.

Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.

Kung ako'y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.

Sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan: na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka't hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya'y nakikilala ninyo; sapagka't siya'y tumatahan sa inyo, at sasa inyo.

Datapuwa't ang Mangaaliw, sa makatuwid baga'y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo'y aking sinabi.

Datapuwa't pagparito ng Mangaaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan, na nagbubuhat sa Ama, ay siyang magpapatotoo sa akin:

Gayon ma'y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka't hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating.

Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan.

Datapuwa't sinabi ni Pedro, Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa Espiritu Santo, at upang maglingid ng isang bahagi ng halaga ng lupa? Nang yao'y nananatili pa, hindi baga yao'y nanatiling iyong sarili? at nang maipagbili na, hindi baga nasa iyo ring kapangyarihan? Ano't inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Dios.

Kayong matitigas ang ulo, at di tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging nagsisisalangsang sa Espiritu Santo: kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, ay gayon din naman ang ginagawa ninyo.

Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila'y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo.

Aking talastas na pagalis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan; At magsisilitaw sa mga kasamahan din ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masasama, upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan. Kaya nga kayo'y mangagpuyat, na alalahaning sa loob ng tatlong taon ay hindi ako naglikat sa gabi at araw ng paalaala sa bawa't isa na may pagluha.

Upang idilat mo ang kanilang mga mata, upang sila'y mangagbalik sa ilaw mula sa kadiliman at mula sa kapangyarihan ni Satanas hanggang sa Dios, upang sila'y magsitanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mga mana sa kasamahan ng mga pinapaging banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.

Sapagka't ang poot ng Dios ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat na kasamaan at kalikuan ng mga tao, na mga sinasawata ang katotohanan ng kalikuan;

Sapagka't ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila'y walang madahilan: Sapagka't kahit kilala nila ang Dios, siya'y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim.

Ang mga nangagmamarunong ay naging mga mangmang,

Sapagka't pinalitan nila ang katotohanan ng Dios ng kasinungalingan, at sila'y nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailan man. Siya nawa.

Sapagka't hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang mga ganap sa harapan ng Dios, kundi ang nangagsisitalima sa kautusan ay aariing mga ganap;

Huwag nawang mangyari: oo, bagkus pa nga ang Dios ay tapat, datapuwa't ang bawa't tao'y sinungaling; gaya ng nasusulat, Upang ikaw ay ariing ganap sa iyong mga salita, At makapagtagumpay ka kung ikaw ay mahatulan.

Walang nakatatalastas, Walang humahanap sa Dios; Silang lahat ay nagsilihis, magkakasamang nawalan ng kasaysayan; Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa: Ang kanilang lalamunan ay isang libingang bukas; Nagsigamit ng daya sa pamamagitan ng kanilang mga dila: Ang kamandag ng mga ulupong ang siyang nasa ilalim ng kanilang mga labi:

Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.

Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo, na hindi ako nagsisinungaling, na ako'y sinasaksihan ng aking budhi sa Espiritu Santo,

Sapagka't sila'y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala. Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios. Sapagka't si Cristo ang kinauuwian ng kautusan sa ikatutuwid ng bawa't sumasampalataya.

Kaya nga ang paniniwala'y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.

Ayon sa nasusulat, Binigyan sila ng Dios ng Espiritu ng pagkakatulog, ng mga matang hindi nangakakakita, at ng mga pakinig na hindi nangakakarinig, hanggang sa araw na ito.

Datapuwa't ang mahina sa pananampalataya ay tanggapin ninyo, hindi upang pagtalunan ang kaniyang pagaalinlangan.

Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo'y magsilayo sa kanila. Sapagka't ang mga gayon ay hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay.

Sapagka't yamang sa karunungan ng Dios ay hindi nakilala ng sanglibutan ang Dios sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, ay kinalugdan ng Dios na iligtas ang mga nagsisipanampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral. Ang mga Judio nga ay nagsisihingi ng mga tanda, at ang mga Griego ay nagsisihanap ng karunungan: Datapuwa't ang aming ipinangangaral ay ang Cristo na napako sa krus, na sa mga Judio ay katitisuran, at sa mga Gentil ay kamangmangan; Nguni't sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griego, si Cristo ang kapangyarihan ng Dios, at ang karunungan ng Dios. Sapagka't ang kamangmangan ng Dios ay lalong marunong kay sa mga tao; at ang kahinaan ng Dios ay lalong malakas kay sa mga tao.

At ako, mga kapatid, nang pumariyan sa inyo, ay hindi ako napariyan na may kagalingan sa pananalita o sa karunungan, na nagbabalita sa inyo ng patotoo ng Dios. Sapagka't aking pinasiyahang walang maalaman anoman sa gitna ninyo, maliban na si Jesucristo, at siya na napako sa krus. At ako'y nakisama sa inyo na may kahinaan, at may katakutan, at may lubhang panginginig. At ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa mga salitang panghikayat ng karunungan, kundi sa patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan: Upang ang inyong pananampalataya ay huwag masalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Dios.

Gayon man, ay nangagsasalita kami ng karunungan sa mga may gulang: bagaman hindi ng karunungan ng sanglibutang ito, o ng mga may kapangyarihan sa sanglibutang ito, na ang mga ito'y nangauuwi sa wala: Kundi sinasalita namin ang karunungan ng Dios sa hiwaga, yaong karunungan na itinalaga ng Dios, bago nilalang ang mga sanglibutan sa ikaluluwalhati natin: Na hindi napagkilala ng sinomang pinuno sa sanglibutang ito: sapagka't kung nakilala sana nila, ay dising di ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian:

Sapagka't sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kaniya? gayon din naman ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios. Nguni't ating tinanggap, hindi ang espiritu ng sanglibutan, kundi ang espiritung mula sa Dios; upang ating mapagkilala ang mga bagay na sa atin ay ibinigay na walang bayad ng Dios. Na ang mga bagay na ito ay atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu.

Nguni't ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka't ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka't ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu. Nguni't ang sa espiritu ay nagsisiyasat sa lahat ng mga bagay, at siya'y hindi sinisiyasat ng sinoman. Sapagka't sino ang nakakilala ng pagiisip ng Panginoon, upang siya'y turuan niya? Datapuwa't nasa atin ang pagiisip ni Cristo.

Sapagka't sinoman ay hindi makapaglalagay ng ibang pinagsasaligan, kundi ang nalalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.

Sinoma'y huwag magdaya sa kaniyang sarili. Kung ang sinoman sa inyo ay nagiisip na siya'y marunong sa kapanahunang ito, ay magpakamangmang siya, upang siya ang maging marunong. Sapagka't ang karunungan ng sanglibutang ito ay kamangmangan sa Dios. Sapagka't nasusulat, Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan: At muli, Nalalaman ng Panginoon ang pangangatuwiran ng marurunong, na pawang walang kabuluhan.

Ano nga kaya ang aking ganting-pala? Na pagka ipinangangaral ko ang evangelio, ay ang evangelio ay maging walang bayad, upang huwag kong gamiting lubos ang aking karapatan sa evangelio.

Ni huwag din naman nating tuksuhin ang Panginoon, na gaya ng pagkatukso ng ilan sa kanila, at nangapahamak sa pamamagitan ng mga ahas.

Datapuwa't kung tila mapagtunggali ang sinoman, walang gayong ugali kami, ni ang iglesia man ng Dios.

Sapagka't unauna'y nababalitaan ko na kung nangagkakatipon kayo sa iglesia, ay mayroon sa inyong mga pagkakabahabahagi; at may kaunting paniniwala ako. Sapagka't tunay na sa inyo'y mayroong mga hidwang pananampalataya, upang yaong mga napatunayan na ay mangahayag sa inyo.

Kaya't ang sinomang kumain ng tinapay, o uminom sa saro ng Panginoon, na di nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Datapuwa't siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro. Sapagka't ang kumakain at umiinom, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, kung hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon. Dahil dito'y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin, at hindi kakaunti ang nangatutulog. Datapuwa't kung ating kilalanin ang ating sarili, ay hindi tayo hahatulan. Datapuwa't kung tayo'y hinahatulan, ay pinarurusahan tayo ng Panginoon, upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanglibutan.

Nguni't sa iglesia ibig ko pang magsalita ng limang salita ng aking pagiisip, upang makapagturo ako naman sa iba, kay sa magsalita ng sangpung libong salita sa wika. Mga kapatid, huwag kayong mangagpakabata sa pagiisip; gayon ma'y sa kahalayan ay mangagpakasanggol kayo, datapuwa't sa pagiisip kayo'y mangagpakatao. Sa kautusan ay nasusulat, sa pamamagitan ng mga taong may iba't ibang wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga taga ibang lupa ay magsasalita ako, sa bayang ito: at gayon ma'y hindi ako pakikinggan nila, ang sabi ng Panginoon.

Sapagka't ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesia ng mga banal, Ang mga babae ay magsitahimik sa mga iglesia: sapagka't sila'y walang kapahintulutang mangagsalita; kundi sila'y pasakop, gaya naman ng sinasabi ng kautusan. At kung ibig nilang maalaman ang anomang bagay, magtanong sila sa kanilang asawa sa bahay; sapagka't mahalay na ang isang babae ay magsalita sa iglesia. Ano? lumabas baga mula sa inyo ang salita ng Dios? o sa inyo lamang dumating? Kung iniisip ninoman na siya'y propeta, o ayon sa espiritu, ay kilalanin niya ang mga bagay na sa inyo'y isinusulat ko, na pawang utos ng Panginoon. Datapuwa't kung ang sinoman ay mangmang, ay manatili siyang mangmang.

Ngayo'y ipinatatalastas ko sa inyo, mga kapatid, ang evangelio na sa inyo'y aking ipinangaral, na inyo namang tinanggap, na siya naman ninyong pinananatilihan, Sa pamamagitan naman nito'y ligtas kayo kung matiyaga ninyong iingatan ang salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na kung kayo'y nagsipanampalataya nang walang kabuluhan.

Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali. Gumising kayo ng ayon sa katuwiran, at huwag mangagkasala; sapagka't may mga ibang walang pagkakilala sa Dios: sinasabi ko ito upang kayo'y kilusin sa kahihiyan.

Upang huwag kaming malamangan ni Satanas: sapagka't kami ay hindi hangal sa kaniyang mga lalang.

Datapuwa't salamat sa Dios, na laging pinapagtatagumpay tayo kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kaniya sa bawa't dako. Sapagka't sa mga inililigtas, at sa mga napapahamak ay masarap tayong samyo ni Cristo sa Dios; Sa isa ay samyo mula sa kamatayan sa ikamamatay; at sa iba ay samyong mula sa kabuhayan sa ikabubuhay. At sino ang sapat sa mga bagay na ito? Sapagka't hindi kami gaya ng karamihan na kinakalakal ang salita ng Dios: kundi sa pagtatapat, at gaya ng mula sa Dios, sa harapan ng Dios ay nagsasalita kami para kay Cristo.

Na sa amin naman ay nagpapaging sapat na mga ministro ng bagong tipan; hindi ng titik, kundi ng espiritu: sapagka't ang titik ay pumapatay, datapuwa't ang espiritu ay nagbibigay ng buhay.

Datapuwa't ang kanilang mga pagiisip ay nagsitigas: sapagka't hanggang sa araw na ito, pagka binabasa ang matandang tipan, ang talukbong ding iyon ay nananatili na hindi itinataas, na ito'y naalis sa pamamagitan ni Cristo. Datapuwa't hanggang sa araw na ito, kailan ma't binabasa ang mga aklat ni Moises, ay may isang talukbong na nakatakip sa kanilang puso. Nguni't kailan ma't magbalik sa Panginoon, ay maaalis ang talukbong.

Bagkus tinanggihan namin ang mga kahiyahiyang bagay na nangatatago, na hindi kami nagsisilakad sa katusuhan, ni nagsisigamit man na may daya ng mga salita ng Dios; kundi sa pagpapahayag ng katotohanan ay ipinagtatagubilin ang aming sarili sa bawa't budhi ng mga tao sa harapan ng Dios. At kung ang aming evangelio ay natatalukbungan pa, ay may talukbong sa mga napapahamak: Na binulag ng dios ng sanglibutang ito ang mga pagiisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila'y huwag sumilang ang kaliwanagan ng evangelio ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Dios.

(Sapagka't ang mga sandata ng aming pakikilaban ay hindi ukol sa laman, kundi sa harapan ng Dios ay may kapangyarihang gumiba ng mga kuta); Na siyang gumigiba ng mga maling haka, at ng bawa't bagay na matayog na nagmamataas laban sa karunungan ng Dios, at bumibihag sa lahat ng pagiisip sa pagtalima kay Cristo; At nangahahanda upang maghiganti sa lahat ng pagsuway, kung maganap na ang inyong pagtalima.

Nguni't ako'y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain. Sapagka't kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo.

Sapagka't ang mga gayong tao ay mga bulaang apostol, mga magdarayang manggagawa, na nangagpapakunwaring mga apostol ni Cristo. At hindi katakataka: sapagka't si Satanas man ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan. Hindi malaking bagay nga na ang kaniyang mga ministro naman ay magpakunwari na waring ministro ng katuwiran; na ang kanilang wakas ay masasangayon sa kanilang mga gawa.

Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo'y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi baga ninyo nalalaman sa ganang inyong sarili, na si Jesucristo ay nasa inyo? maliban na nga kung kayo'y itinakuwil na.

Ako'y namamangha na kay dali ninyong nagsilipat sa ibang evangelio buhat sa tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo; Na ito'y hindi ibang evangelio: kundi mayroong ilan na sa inyo'y nagsisiligalig, at nangagiibig na pasamain ang evangelio ni Cristo.

Datapuwa't kahima't kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakuwil. Ayon sa aming sinabi nang una, ay muling gayon ang aking sinasabi ngayon, Kung ang sinoman ay mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba kay sa inyong tinanggap na, ay matakuwil.

Sapagka't ako baga'y nanghihikayat ngayon sa mga tao o sa Dios? o ako baga'y nagsisikap na magbigay-lugod sa mga tao? kung ako'y magbibigay-lugod pa sa mga tao, ay hindi ako magiging alipin ni Cristo. Sapagka't aking ipinatatalastas sa inyo, mga kapatid, tungkol sa evangelio na aking ipinangaral, na ito'y hindi ayon sa tao. Sapagka't hindi ko tinanggap ito sa tao, ni itinuro man sa akin, kundi aking tinanggap sa pamamagitan ng pahayag ni Jesucristo.

At yaon ay dahil sa mga hindi tunay na kapatid na ipinasok ng lihim, na nagsipasok ng lihim upang tiktikan ang aming kalayaan na taglay namin kay Cristo Jesus, upang kami'y ilagay nila sa pagkaalipin: Sa mga yaon ay hindi kami napahinuhod na supilin kami, kahit isang oras; upang ang katotohanan ng evangelio ay manatili sa inyo.

Nguni't nang dumating si Cefas sa Antioquia, ay sumalansang ako sa kaniya ng mukhaan, sapagka't siya'y nararapat hatulan. Sapagka't bago nagsidating ang ilang mula kay Santiago, ay nakisalo siya sa mga Gentil; nguni't nang sila'y magsidating na, siya'y umurong, at humiwalay sa mga Gentil, palibhasa'y natatakot sa mga sa pagtutuli. At ang ibang mga Judio ay nangagpakunwari rin namang kasama niya: ano pa't pati si Bernabe ay nabuyo sa kanilang pagkukunwari. Nguni't nang aking makita na hindi sila nagsisilakad ng matuwid ayon sa katotohanan ng evangelio, sinabi ko kay Cefas sa harapan nilang lahat, Kung ikaw, na Judio, ay namumuhay gaya ng mga Gentil, at di gaya ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Gentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?

Oh mga mangmang na taga Galacia, sino ang mga nagsigayuma sa inyo, na sa harapan ng inyong mga mata'y si Jesucristo, na napako sa krus, ay maliwanag na inihayag?

Mga kapatid, kung ang sinoman ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso. Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo. Sapagka't kung ang sinoman ay nagaakala na siya'y may kabuluhan bagaman siya ay walang kabuluhan, ang kaniyang sarili ang dinadaya niya.

Datapuwa't ang tinuturuan sa aral ng Dios ay makidamay doon sa nagtuturo sa lahat ng mga bagay na mabuti. Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka't ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya. Sapagka't ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa't ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan.

Upang tayo'y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito't doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian; Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga'y si Cristo;

Ito nga ang sinasabi ko, at sinasaksihan sa Panginoon, na kayo'y hindi na nagsisilakad pa na gaya naman ng lakad ng mga Gentil, sa pagpapalalo sa kanilang pagiisip, Na sa kadiliman ng kanilang pagiisip, ay nangahiwalay sa buhay ng Dios, dahil sa kahangalang nasa kanila, dahil sa pagmamatigas ng kanilang puso;

Kaya nga, pagkatakuwil ng kasinungalingan, ay magsasalita ang bawa't isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa: sapagka't tayo'y mga sangkap na isa't isa sa atin.

Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig.

Huwag kayong madaya ng sinoman ng mga salitang walang kabuluhan: sapagka't dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Dios sa mga anak ng pagsuway.

Sapagka't noong panahon kayo'y kadiliman, datapuwa't ngayon kayo'y kaliwanagan sa Panginoon: magsilakad kayong gaya ng mga anak ng kaliwanagan: (Sapagka't ang bunga ng kaliwanagan ay nabubuo ng kabutihan at katuwiran at katotohanan), Na inyong pinatutunayan ang kinalulugdan ng Panginoon;

At huwag kayong makibahagi sa mga walang mapapakinabang na gawa ng kadiliman, kundi bagkus inyong sawatain;

Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.

Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na may sakbat na baluti ng katuwiran, At ang inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan; Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama. At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios:

At ito'y idinadalangin ko, na ang inyong pagibig ay lalo't lalo pang sumagana nawa sa kaalaman at sa lahat ng pagkakilala; Upang inyong kilalanin ang mga bagay na magagaling; upang kayo'y maging mga tapat at walang kapintasan hanggang sa kaarawan ni Cristo;

Ito'y sinasabi ko, upang huwag kayong madaya ng sinoman sa mga pananalitang kaakitakit.

Kayo'y magsipagingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopia at walang kabuluhang pagdaraya, ayon sa sali't saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, at di ayon kay Cristo:

Sinoman ay huwag manakawan ng ganting-pala sa inyo sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na nananatili sa mga bagay na kaniyang nakita, na nagpapalalo ng walang kabuluhan sa pamamagitan ng kaniyang akalang ukol sa laman,

Kung kayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo mula sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, bakit, na waring kayo'y nangabubuhay pa sa sanglibutan, kayo'y nangapasasakop sa mga palatuntunan, Gaya ng: Huwag dumampot, ni huwag lumasap, ni huwag humipo; (Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao? Ang mga bagay na iya'y katotohanang mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang kusa, at sa pagpapakababa, at sa pagpapakahirap sa katawan; nguni't walang anomang kabuluhan laban sa ikalalayaw ng laman.

Huwag kayong mangagbubulaan sa isa't isa; yamang hinubad na ninyo ang datihang pagkatao pati ng kaniyang mga gawa, At kayo'y nangagbihis ng bagong pagkatao, na nagbabago sa kaalaman ayon sa larawan niyaong lumalang sa kaniya:

Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay, ingatan ninyo ang mabuti;

Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan: sapagka't ito'y hindi darating, maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan,

Siya, na ang kaniyang pagparito ay ayon sa paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga kahangahangang kasinungalingan, At may buong daya ng kalikuan sa nangapapahamak; sapagka't hindi nila tinanggap ang pagibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas. At dahil dito'y ipinadadala sa kanila ng Dios ang paggawa ng kamalian, upang magsipaniwala sila sa kasinungalingan: Upang mangahatulan silang lahat na hindi nagsisampalataya sa katotohanan, kundi nangalugod sa kalikuan.

Kaya nga, mga kapatid, kayo'y mangagpakatibay, at inyong panghawakan ang mga aral na sa inyo'y itinuro, maging sa pamamagitan ng salita, o ng aming sulat.

Aming inuutos nga sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayo'y magsihiwalay sa bawa't kapatid na lumalakad ng walang kaayusan, at hindi ayon sa aral na tinanggap nila sa amin.

Kung paanong ipinamanhik ko sa iyo na ikaw ay matira sa Efeso, nang pumaparoon ako sa Macedonia, upang maipagbilin mo sa ilang tao na huwag magsipagturo ng ibang aral, Ni huwag makinig sa mga katha at sa mga kasaysayan ng mga lahi na walang katapusan, na pinanggagalingan ng pagtatalo, at hindi ng pagkakatiwalang mula sa Dios na nasa pananampalataya; ay gayon din ang ipinamamanhik ko ngayon. Nguni't ang kinauuwian ng bilin ay ang pagibig na nagbubuhat sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi paimbabaw: Na pagkasinsay ng iba sa mga bagay na ito ay nagsibaling sa walang kabuluhang pananalita; Na nagsisipagnasang maging mga guro ng kautusan, bagaman di nila natatalastas kahit ang kanilang sinasabi, kahit ang kanilang buong tiwalang pinatutunayan.

Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan. Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus, Na ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan; Na dito'y itinalaga ako na tagapangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan, hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan.

Ang babae'y magaral na tumahimik na may buong pagkapasakop. Nguni't hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalake, kundi tumahimik. Sapagka't si Adam ay siyang unang nilalang, saka si Eva; At si Adam ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagsalangsang;

Nguni't hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio, Sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsisipagsalita ng mga kasinungalingan, na hinerohan ang kanilang mga sariling budhi ng waring bakal na nagbabaga;

Kung ipaalaala mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting ministro ni Cristo Jesus, na kinandili sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na sinusunod mo hanggang ngayon: Datapuwa't itakuwil mo ang mga kathang masasama at walang kabuluhan. At magsanay ka sa kabanalan:

Ang mga bagay na ito'y iyong iutos at ituro. Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan. Hanggang ako'y pumariyan ay magsikap ka sa pagbasa, sa pangangaral, sa pagtuturo. Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng hula, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng mga presbitero. Magsipag ka sa mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito; upang ang iyong pagkasulong ay mahayag sa lahat. Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka't sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo.

Ang mga matanda na nagsisipamahalang mabuti ay ariing may karapatan sa ibayong kapurihan, lalong lalo na ang mga nangagpapagal sa salita at sa pagtuturo. Sapagka't sinasabi ng kasulatan, Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik. At, ang nagpapagal ay karapatdapat sa kaupahan sa kaniya.

Laban sa matanda ay huwag kang tatanggap ng sumbong, maliban sa dalawa o tatlong saksi. Sila na mga nagkakasala ay paalalahanan mo sa harapan ng lahat upang ang iba nama'y mangatakot. Pinagbibilinan kita sa paningin ng Dios, at ni Cristo Jesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong ganapin ang mga bagay na ito na walang pagtatangi na huwag mong gagawin ang anomang pagayo. Huwag mong ipatong na madalian ang iyong mga kamay sa kanino man, ni huwag kang makaramay sa mga kasalanan ng iba: ingatan mong malinis ang iyong sarili.

Kung ang sinoma'y nagtuturo ng ibang aral, at hindi sumasangayon sa mga salitang nakagagaling, sa makatuwid ay sa mga salita ng ating Panginoong Jesucristo, at sa aral na ayon sa kabanalan; Ang gayon ay palalo, walang nalalamang anoman, kundi may-sakit sa mga usapan at mga pagtatalo, sa mga salitang pinagbubuhatan ng kapanaghilian, mga pagkakaalit, mga pagalipusta, mga masasamang akala. Pagtataltalan ng mga taong masasama ang pagiisip at salat sa katotohanan, na nagsisipagakala na ang kabanalan ay paraan ng pakinabang.

Oh Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na ilagan mo ang mga usapan na walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng maling tawag na kaalaman; Na palibhasa'y pinaniwalaan ng ilan ay nangasinsay tungkol sa pananampalataya. Ang biyaya ay sumainyo nawa.

Ipaalaala mo sa kanila ang mga bagay na ito, na sila'y pagbilinan sa paningin ng Panginoon, na sila'y huwag makipagtalo tungkol sa mga salitaan na hindi mapapakinabangan, sa ikapapahamak ng mga nakikinig.

Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios, manggagawang walang anomang ikahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan. Datapuwa't ilagan mo ang mga usapang walang kabuluhan: sapagka't sila'y lalong magpapatuloy sa kasamaan,

At ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena: na sa mga ito ay si Himeneo at si Fileto; Na mga taong tungkol sa katotohanan ay nangasinsay, na sinasabing ang pagkabuhay na maguli ay nakaraan na, at ginugulo ang pananampalataya ng iba. Gayon ma'y ang matibay na pinagsasaligan ng Dios ay nananatili na may tatak nito, Nakikilala ng Panginoon ang mga kaniya: at, Lumayo sa kalikuan ang bawa't isa na sumasambitla ng pangalan ng Panginoon.

Nguni't tanggihan mo ang mga usapang walang kabuluhan at hangal, yamang nalalaman mo na namumunga ng mga pagtatalo. At ang alipin ng Panginoon ay hindi nararapat na makipagtalo, kundi maamo sa lahat, sapat na makapagturo, matiisin, Na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila'y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan, At sila'y makawala sa silo ng diablo, na bumihag sa kanila ayon sa kaniyang kalooban.

Sapagka't ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti, Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; Na may anyo ng kabanalan, datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.

Sapagka't sa mga ito ang nanganggagapang sa mga bahay, at binibihag ang babaing haling na lipos ng mga kasalanan, hinihila ng mga iba't ibang pita, Na laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan.

At kung paanong si Janes at si Jambres ay nagsilaban kay Moises, ay gayon din naman ang mga ito'y nagsisilaban sa katotohanan; mga taong masasama ang pagiisip, mga itinakuwil tungkol sa pananampalataya. Nguni't sila'y hindi mangagpapatuloy: sapagka't mangahahayag sa lahat ng mga tao ang kanilang kamangmangan, gaya naman ng pagkahayag ng sa mga yaon.

Oo, at lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng paguusig. Datapuwa't ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama ng sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya.

Datapuwa't manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan; At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo. Sapagka't darating ang panahon na hindi nila titiisin ang magaling na aral; kundi, pagkakaroon nila ng kati ng tainga, ay magsisipagbunton sila sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling mga masasamang pita; At ihihiwalay sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at mga ibabaling sa katha.

Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang. Sapagka't may maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga magdaraya, lalong lalo na yaong mga sa pagtutuli, Na ang kanilang mga bibig ay nararapat matikom; mga taong nagsisipanggulo sa buong mga sangbahayan, na nangagtuturo ng mga bagay na di nararapat, dahil sa mahalay na kapakinabangan. Sinabi ng isa sa kanila rin, ng isang propetang sarili nila, Ang mga taga Creta kailan pa man ay mga sinungaling, masasamang hayop, matatakaw na mga tamad. Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y sawayin mong may kabagsikan sila, upang mangapakagaling sa pananampalataya, Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan. Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis: datapuwa't sa nangahawa at di nagsisisampalataya ay walang anomang malinis; kundi pati ng kanilang pagiisip at kanilang budhi ay pawang nangahawa. Sila'y nangagpapanggap na nakikilala nila ang Dios; nguni't ikinakaila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, palibhasa'y mga malulupit, at mga masuwayin, at mga itinakuwil sa bawa't gawang mabuti.

Nguni't magsalita ka ng mga bagay na nauukol sa aral na magaling: Na ang matatandang lalake ay maging mapagpigil, mahusay, mahinahon ang pagiisip, magagaling sa pananampalataya, sa pagibig, sa pagtitiis:

Na gayon din ang matatandang babae ay maging magalang sa kanilang kilos, hindi palabintangin ni paalipin man sa maraming alak, mga guro ng kabutihan; Upang kanilang maturuan ang mga babaing may kabataan na magsiibig sa kanikaniyang asawa, magsiibig sa kanilang mga anak, mangagpakahinahon, Mangagpakahinahon, mangagpakalinis, mangagpakasipag sa bahay, magagandang-loob, pasakop sa kanikaniyang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Dios:

Iaral mo rin naman sa mga bagong tao na sila'y mangagpakahinahon ng pagiisip: Sa lahat ng mga bagay ay magpakilala kang ikaw ay isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong aral ay ipakilala mo ang walang kamalian ang kahusayan, Pangungusap na magaling, na di mahahatulan; upang sila na nasa kabilang panig ay mahiya, nang walang anomang masamang masabi tungkol sa atin.

Iaral mo sa mga alipin na sila'y pasakop sa kanikaniyang Panginoon, at kanilang kalugdan sa lahat ng mga bagay; at huwag mga masagutin; Huwag mangagdaya, kundi mangagpakita ng buong buting pagtatapat; upang pamutihan sa lahat ng mga bagay ang aral ng Dios na ating Tagapagligtas.

Nguni't ilagan mo ang mga hangal na usapan, at ang mga pagsasalaysay ng lahi, at ang mga pagtatalo, at pagtataltalan tungkol sa kautusan; sapagka't ang mga ito ay di pinakikinabangan at walang kabuluhan. Ang taong may maling pananampalataya pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay itakuwil mo; Yamang nalalaman mo na ang gayon ay napahamak, at nagkakasala at siya'y hinahatulan ng kaniyang sarili.

Kaya't nararapat nating pagkatantuin ang mga bagay na narinig, baka sakaling tayo'y makahagpos. Sapagka't kung ang ipinangusap na salita sa pamamagitan ng mga anghel ay nagtibay, at ang bawa't pagsalangsang at pagsuway ay tumanggap ng matuwid na parusa na kabayaran; Paanong makatatanan tayo, kung ating pabayaan ang ganitong dakilang kaligtasan? na ipinangusap ng Panginoon noong una ay pinatunayan sa atin sa pamamagitan ng mga nakarinig;

Magsipagingat kayo, mga kapatid, baka sakaling mayroon sa kanino man sa inyo ng isang pusong masama na walang pananampalataya, na naghihiwalay sa inyo sa Dios na buhay:

At sa kani-kanino isinumpa niyang hindi makapapasok sa kaniyang kapahingahan, kundi yaong mga nagsisuway? At nakikita natin na sila'y hindi nangakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.

Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso. At walang anomang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin: nguni't ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.

Sapagka't tungkol sa mga minsang naliwanagan at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga nakabahagi ng Espiritu Santo, At nakalasap ng mabuting salita ng Dios, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating, At saka nahiwalay sa Dios ay di maaaring baguhin silang muli sa pagsisisi; yamang kanilang ipinapapakong muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Dios, at inilalagay na muli siya sa hayag na kahihiyan.

Sapagka't kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway. Ang magpawalang halaga sa kautusan ni Moises sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay mamamatay na walang awa: Gaano kayang higpit ng parusa, sa akala ninyo, ang ihahatol na nauukol doon sa yumurak sa Anak ng Dios, at umaring di banal sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kaniya, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?

Na pakaingatan na baka ang sinoma'y di makaabot sa biyaya ng Dios; baka kayo'y bagabagin ng anomang ugat ng kapaitan na sumisibol, at dahil dito'y mahawa ang marami; Baka magkaroon ng sinomang mapakiapid, o mapaglapastangan, gaya ni Esau, na sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kaniyang sariling pagkapanganay. Sapagka't nalalaman ninyo na bagama't pagkatapos ay ninanasa niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakuwil; sapagka't wala na siyang nasumpungang pagkakataon ng pagsisisi sa kaniyang ama, bagama't pinagsisikapan niyang mapilit na lumuluha.

Huwag nga kayong padala sa mga turong sarisari at di kilala: sapagka't mabuti na ang puso ay patibayin sa pamamagitan ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakikinabangan ng mga nagabala sa kanila.

Yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis. At inyong pabayaan na ang pagtitiis ay magkaroon ng sakdal na gawa, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anoman kakulangan. Nguni't kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito'y ibibigay sa kaniya.

Datapuwa't maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili. Sapagka't kung ang sinoman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, ay katulad siya ng isang tao na tinitingnan ang kaniyang talagang mukha sa salamin: Sapagka't minamasdan niya ang kaniyang sarili, at siya'y umaalis at pagdaka'y kaniyang nalilimutan kung ano siya.

Huwag maging guro ang marami sa inyo, mga kapatid ko, yamang nalalamang tayo'y tatanggap ng lalong mabigat na hatol. Sapagka't sa maraming mga bagay tayong lahat ay nangatitisod. Kung ang sinoman ay hindi natitisod sa salita, ay isang taong sakdal ang gayon, may kaya rin namang makapigil ng buong katawan.

Gayon din naman ang dila ay isang maliit na sangkap, at nagpapalalo ng malalaking bagay. Narito, kung gaano kalaking gubat ang pinagaalab ng lubhang maliit na apoy! At ang dila'y isang apoy: ang sanglibutan ng kasamaan sa ating mga sangkap ay dili iba't ang dila, na nakakahawa sa buong katawan, at pinagningas ang gulong ng katalagahan, at ang dila'y pinagniningas ng impierno.

Sa inyo ngang nangananampalataya, siya'y mahalaga: datapuwa't sa hindi nangananampalataya, Ang batong itinakuwil ng nagsisipagtayo ng bahay Siyang naging pangulo sa panulok; At, Batong katitisuran, at bato na pangbuwal; Sapagka't sila ay natitisod sa salita, palibhasa'y mga suwail: na dito rin naman sila itinalaga,

Sapagka't, Ang magnais umibig sa buhay, At makakita ng mabubuting araw, Ay magpigil ng kaniyang dila sa masama, At ang kaniyang mga labi ay huwag magsalita ng daya:

Kundi inyong ariing banal si Cristo na Panginoon sa inyong mga puso: na lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa't tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo, nguni't sa kaamuan at takot: Na taglay ang mabuting budhi; upang, sa mga bagay na salitain laban sa inyo, ay mangapahiya ang nagsisialipusta sa inyong mabuting paraan ng pamumuhay kay Cristo.

Kayo'y maging mapagpigil, kayo'y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya: Na siya'y labanan ninyong matatag sa inyong pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang mga gayong hirap ay nagaganap sa inyong mga kapatid na nangasa sanglibutan.

Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo.

Nguni't may nagsilitaw din naman sa bayan na mga bulaang propeta, na gaya naman sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na mangagpapasok sa lihim ng mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya, na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na mangagtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak. At maraming magsisisunod sa kanilang mga gawang mahahalay; na dahil sa kanila ay pagsasalitaan ng masama ang daan ng katotohanan. At sa kasakiman sa mga pakunwaring salita ay ipangangalakal kayo: na ang hatol nga sa kanila mula nang una ay hindi nagluluwat, at ang kanilang kapahamakan ay hindi nagugupiling.

Sapagka't kung, pagkatapos na sila'y makatakas sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay muling mahalubiluhan at madaig niyaon, ay lalong sumasama ang huling kalagayan nila kay sa nang una. Sapagka't magaling pa sa kanila ang hindi nakakilala ng daan ng katuwiran, kay sa, pagkatapos na makakilala ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.

Gayon din naman sa lahat ng kaniyang mga sulat, na doo'y sinasalita ang mga bagay na ito; na doo'y may ilang bagay na mahirap unawain, na isinisinsay ng mga di nakaaalam at ng mga walang tiyaga, na gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.

Kaya nga, mga minamahal, yamang nalalaman na ninyo nang una ang mga bagay na ito, ay magsipagingat kayo, baka kung mangaligaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama, ay mangahulog kayo sa inyong sariling katiyagaan. Datapuwa't magsilago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian ngayon at magpakailan man. Siya nawa.

At ito ang pasabing aming narinig sa kaniya at sa inyo'y aming ibinabalita, na ang Dios ay ilaw, at sa kaniya'y walang anomang kadiliman. Kung sinasabi nating tayo'y may pakikisama sa kaniya at nagsisilakad tayo sa kadiliman, ay nangagbubulaan tayo, at hindi tayo nagsisigawa ng katotohanan:

At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos. Ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya; Datapuwa't ang sinomang tumutupad ng kaniyang salita, tunay na sa kaniya ay naging sakdal ang pagibig ng Dios. Dahil dito'y nalalaman nating tayo'y nasa kaniya: Ang nagsasabing siya'y nananahan sa kaniya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad niya.

Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga may ibig na magligaw sa inyo. At tungkol sa inyo, ang pagkapahid na sa kaniya'y inyong tinanggap ay nananahan sa inyo, at hindi ninyo kailangang kayo'y turuan ng sinoman; nguni't kung paanong kayo'y tinuturuan ng kaniyang pahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at siyang totoo, at hindi kasinungalingan, at kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayong nananahan sa kaniya.

Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa't espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Dios: sapagka't maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan. Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa't espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios: At ang bawa't espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Dios: at ito ang sa anticristo, na inyong narinig na darating; at ngayo'y nasa sanglibutan na.

Sila'y sa sanglibutan: kaya't tungkol sa sanglibutan ang sinasalita nila, at sila'y dinidinig ng sanglibutan. Tayo nga'y sa Dios: ang nakakakilala sa Dios ay dumirinig sa atin; ang hindi sa Dios ay hindi dumirinig sa atin. Dito'y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan, at ang espiritu ng kamalian.

At ito ang pagibig, na tayo'y mangagsilakad ayon sa kaniyang mga utos. Ito ang utos, na tayo'y mangagsilakad sa kaniya, gaya ng inyong narinig nang pasimula.

Sapagka't maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo. Mangagingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong iwala ang mga bagay na aming pinagpagalan, kundi upang tanggapin ninyo ang isang lubos na kagantihan.

Ang sinomang nagpapatuloy at hindi nananahan sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Dios: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak. Kung sa inyo'y dumating ang sinoman, at hindi dala ang aral na ito, ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin: Sapagka't ang bumabati sa kaniya ay nararamay sa kaniyang masasamang gawa.

Ako'y sumulat ng ilang bagay sa iglesia: datapuwa't si Diotrefes na nagiibig magkaroon ng kataasan sa kanila, ay hindi kami tinatanggap. Kaya't kung pumariyan ako, ay ipaaalaala ko ang mga gawang kaniyang ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin: at hindi nasisiyahan sa ganito, ni hindi man niya tinatanggap ang mga kapatid, at silang mga ibig tumanggap ay pinagbabawalan niya at pinalalayas sila sa iglesia.

Mga minamahal, samantalang ako'y totoong nagsisikap ng pagsulat sa inyo tungkol sa kaligtasan nating lahat, ay napilitan akong sumulat sa inyo na inaaralan kayong makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal. Sapagka't may ilang taong nagsipasok ng lihim, yaong mga itinalaga nang una pa sa kahatulang ito, mga di banal, na pinalitan ng kalibugan ang biyaya ng ating Dios, na itinatatuwa ang ating iisang Guro at Panginoong si Jesucristo.

Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagpapagal at pagtitiis, at hindi mo matiis ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagpapanggap na apostol, at sila'y hindi gayon, at nasumpungan mo silang pawang bulaan;

Nalalaman ko ang iyong kapighatian, at ang iyong kadukhaan (datapuwa't ikaw ay mayaman), at ang pamumusong ng mga nagsasabing sila'y mga Judio, at hindi sila gayon, kundi isang sinagoga ni Satanas.

Datapuwa't mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagka't mayroon ka diyang ilan na nanghahawak sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balac na maglagay ng katisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang magsikain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan, at makiapid. Gayon din naman na mayroon kang ilan na nanghahawak sa aral ng mga Nicolaita. Magsisi ka nga; o kung hindi ay madaling paririyan ako sa iyo, at babakahin ko sila ng tabak ng aking bibig.

Datapuwa't mayroon akong laban sa iyo, na pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na nagpapanggap na propetisa; at siya'y nagtuturo at humihikayat sa aking mga lingkod upang makiapid, at kumain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan.

Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay hindi malamig o mainit man: ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit. Kaya sapagka't ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita sa aking bibig. Sapagka't sinasabi mo, Ako'y mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi ako nangangailangan ng anoman; at hindi mo nalalamang ikaw ang aba at maralita at dukha at bulag at hubad:

Ang lahat kong iniibig, ay aking sinasaway at pinarurusahan: ikaw nga'y magsikap, at magsisi.

At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanglibutan; siya'y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit, na nagsasabi, Ngayo'y dumating ang kaligtasan, at ang kapangyarihan, at ang kaharian ng ating Dios, at ang kapamahalaan ng kaniyang Cristo: sapagka't inihagis na ang tagapagsumbong sa ating mga kapatid na siyang sa kanila'y nagsusumbong sa harapan ng ating Dios araw at gabi. At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Cordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo, at hindi nila inibig ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan.

At narinig ko ang ibang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot:

At ang ilaw ng ilawan ay hindi na liliwanag pa sa iyo, at ang tinig ng kasintahang lalake at ng kasintahang babae ay hindi na maririnig pa sa iyo; sapagka't ang mga mangangalakal mo ay naging mga pangulo sa lupa; sapagka't dinaya ng iyong panggagaway ang lahat ng mga bansa.

At sinunggaban ang hayop, at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinangdaya sa mga nagsitanggap ng tanda ng hayop at sa mga sumamba sa larawan nito: ang dalawang ito ay inihagis na buhay sa dagatdagatang apoy na nagliliyab sa asupre:

At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon, At siya'y ibinulid sa kalaliman at sinarhan, at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay kailangang siya'y pawalang kaunting panahon.

At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.

Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.

At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero.

Nangasa labas ang mga aso, at ang mga manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang mga mamamatay-tao, at ang mga mapagsamba sa diosdiosan, at ang bawa't nagiibig at gumagawa ng kasinungalingan.

Aking sinasaksihan sa bawa't taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito: At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito.

Tagalog - Tagalog - TL

ADB - Ang Dating Biblia - 1905

Publisher: Public Domain
https://www.biblegateway.com/versions/Ang-Dating-Biblia-1905-ADB1905/
Languages are made available to you by www.ipedge.net